AY… AY… AY… PAG-IBIG
“Makapag-salita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga Anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong batingaw na umaalingawngaw o pompiyang na tumataginting. Kung ako man ay may kakayahang magpahayag ng Salita ng Dios at umunawa ng lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupa’t napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. Ipamigay ko man ang lahat kong ari-arian, at ialay ko man ang aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, walang kabutihang maidudulot ito sa akin!
1 Corinto 13:1-3
Hay naku, eto na naman siya… lumalakas na naman ang tibok ng puso ko. Ang cute, cute niya... in-love na talaga ako sa kanya.” ‘Yan ang mga katagang malimit nating marinig sa mga kabataang in-love na raw. Pero sa totoo lang, masarap talagang pag-usapan ang pag-ibig. Marami ang interesado kapag ito ang pinag-uusapan. Hindi lang bata, pati na matatanda. Kaya nga maraming naloloko sa mga tele-novela dahil halos lahat ng paksa ng mga istorya nito ay tungkol sa dalawang magsing-irog. Para bang hindi magiging maganda ang isang istorya kung walang kapareha ang bida. Maski na nga sa mga kuwentong aksiyon na ang tema ay patayan at paghihiganti ay nakukuha pa ng bidang magkaroon ng kapareha. Sabi nga ng isang mang-aawit, “Ay... Ay… Ay… Pag-ibig, nakakabaliw”. Nakakabaliw nga ba ang pag-ibig? Kung gayon, ang pag-ibig ay isang sakit. Sapagkat ang pagka-baliw ay isang uri ng sakit sa pag-iisip. Sa madaling salita, nagkalat na sa mundo ang baliw?
Teka, teka... hindi yata ako makakapayag niyan. Kung babasahin natin ang Salita ng Dios, ang pinagmulan ng pag-ibig ay ang Panginoon mismo. Mukhang hindi tumutugma sa Biblia ang mga kahulugan natin. Pag-usapan natin ang mga bagay na ito. Akala kasi ng marami ang pag-ibig ay para lamang sa isang lalaki at babae na nagkakagustuhan. Hindi… ito’y isang uri lamang. May tatlong uring kumakatawan dito. Una, ang pag-ibig na maaaring igawad sa iyong kaibigan, kapatid o magulang kaya. Ito ang tinatawag na “Phileo” sa wikang Griyego. Ikalawa, ang pinaka-sikat sa lahat. Ang iniaalay sa kabaligtaran ng iyong kasarian. Ang “Eros” sa wikang Griyego o “Romantic Love” sa Ingles, na siyang pinarumi ng diyablo. Dito nagmula ang salitang “Erotic”. At ang ikatlo, ang “Agape” sa wikang Griyego, ang pinakadakilang uri ng pag-ibig. Dakila dahil handang magsakripisyo alang-alang sa minamahal. Ito ang uri ng pag-ibig na inialay sa atin ng Dios. Ang patunay nito, ang pagkamatay Niya sa krus ng Kalbaryo para sa ating mga kasalanan. Wala na sigurong hihigit pa sa kadakilaan ng pag-ibig na ito.
Sa panahon natin ngayon marami ang nagpapakadakila… daw. May mga matatalino at magagaling na tao, at mga dalubhasa sa kani-kanilang posisyon. May mga relihiyoso at mapagkawang-gawa, mga bayani at nagpapaka-bayani alang-alang daw sa pag-ibig sa bayan. Subalit, kung susuriin natin ang karamihan sa mga ito, marami ang di papasa sa pamantayan ng Dios sa kadakilaan. Marami sa mga ito ang may mga pansariling nasa. Gaano ka man katagumpay at kagaling sa iyong larangang tinatayuan, balewala ito kung kasikatan lang ang iyong tinatamasa. Sapagkat ang tunay na kadakilaan ay di masusukat sa dami at laki ng nagawa. Kundi sa motibasyon na nag-udyok sa iyo sa paggawa nito.
Sabi sa talata, balewala ang lahat, maangkin mo man ang papuri at paghanga ng mundo. Kung ginawa mo naman ito ng walang pag-ibig sa puso mo. Ano ang iyong mapapala? Mahirap maipamahagi ang pag-ibig kung hindi mo muna ito natanggap at naranasan. Kailangan natin ang Dios… sapagkat Siya lamang ang bukal nito. Kung nasa iyo si Kristo, natitiyak kong maipadarama mo ng totoo ang kadakilaan ng pag-ibig sa kapwa mo. Huwag mo itong ipagkait. Alalahanin mo, walang bayad na tinanggap mo ito. Nagtatanong ka, paano? Ang mabuhay ng may kabanalan at isalarawan sa uri ng pamumuhay mo si Kristo na iyong sinampalatayanan ay sapat ng panimula. Subalit di dapat matapos diyan. Kapag sila’y nagkaroon ng kauhawan sa buhay na iyong nilalakaran, ibahagi si Jesus at ang dakilang pag-ibig na sa kanila’y nakalaan.
Simpleng buhay, ‘di kumplikado, ‘di magarbo, ‘di marangya at ‘di sikat, subalit dakila sa mata ng lumikha. Ang sikreto - ay… ay… ay… pag-ibig ng Dakilang Lumikha!
