ATIN ANG TAGUMPAY

“Madalas kaming nagigipit, subalit hindi nalulupig. Nalilito kami kung minsan, subalit hindi nawawalan ng pag-asa. Marami ang umuusig sa amin, subalit hindi kami pinababayaan ng Dios. Nadadapa kami, subalit bumabangon din at nagpapatuloy. Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang makita ng lahat na si Jesus ang nabubuhay sa amin.”

2 Corinto 4:8-10

Sa buhay ng isang Kristiyano, napakaraming pagsubok at gayon din ng mga tukso. Kaya nga’t marami sa mga kapatid natin sa pananampalataya ang bumabagsak.

Totoo talaga ang kasabihang, “Madali ang maging Kristiyano ngunit napakahirap ang mamuhay bilang Kristiyano”. Nasabi ko ito sapagkat hindi lingid sa atin na halos taon-taon ay nakikita natin na napakarami ang nakakakilala sa Panginoon. Hindi rin kaila sa ating lahat ang malungkot na katotohanang ilan lamang sa mga ito ang natitirang matatag at nagpapatuloy. Napakalungkot isipin, ngunit ‘yan ang katotohanan. Maaari nating sisihin ang mga pangyayari at pagkakataon sa buhay o kaya’y ang simbahan. Dahil hindi sila naalagaan ng husto. Maaaring may katotohanan ‘yan sa isang banda dahil marami sa mga naging Kristiyano ang hindi man lang dumaan sa tamang “Discipleship Program”. Pero hindi pa rin sapat ito na dahilan para manisi. Alalahanin nating sa harap ng Dios, kanya-kanya pa rin tayo ng pananagutan. Kaya’t kung bubulayin natin ng husto ang ganitong mga sitwasyon, maaaring maging isang hamon pa ito sa bawat mananampalataya na humaharap sa matinding pagsubok.

Para sa nananatiling nakatayo at patuloy na humahawak sa kanilang pananampalataya. Ang masasabi ko’y… magpatuloy ka kapatid! Alam kong sa bawat hakbangin ng iyong buhay ay mayroong tinik na laging humahadlang. Alalahanin mong lagi na ikaw ay kawal ng Makapangyarihan sa lahat. Hindi tayo dapat na maging talunan. Sabi nga, “Hindi ka maaaring pumunta sa labanan nang hindi nasusugatan”. Subalit, tayo ay mga sundalong nasusugatan lamang, ngunit hindi kailanman talunan. Sa labanang ito, bilang mga anak ng Dios, Siya ang ating tanggulan na nananatiling nakatayo upang tayo ay ipagsanggalang.

Para naman sa mga bumagsak, hindi pa tapos ang labanan. Maaari ka pang bumangon, tumayo at magpatuloy. Huwag kang susuko! Alalahanin mong ang labang ito ay hindi lang iyo, mayroon kang kasama. Lagi mong isipin na si Jesus ang iyong kaligtasan at kailangan. Alalahanin mo rin na ang labang ito ay matagal nang natapos – tinapos na ni Jesus. Tayo ngayon ay mga matagumpay na Kristiyano, sapagkat dinaig na ni Jesus ang kaaway mahigit dalawang libong taon na ang nakalilipas doon sa krus ng Kalbaryo. Sa kapangyarihan ng Kanyang dugong tumigis ay ganap ang ating tagumpay. Ituon mo lamang ang iyong paningin kay Jesus.

Sa bawat tagumpay natin, laging si Jesus ang sa ating buhay ay nasasalamin. Maaari kang matumba o magipit man. Oo, subalit hindi kailanman kayang igupo ng kalaban dahil si Jesus ay nasa iyo.

Tayo... hakbang... magpatuloy... huwag kang susuko... atin ang tagumpay!
Ang Hapag ni Tatay - Nob. 2007
Bringing Hope and  Healing to a Lost and Dying World...