“PANGALAN AT PAGPAPALA”
“Kaya, lumikha siya ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid, inilapit sa tao, at ipinaubaya dito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itawag, iyon ang magiging pangalan nila.”
Genesis 2:19
Noong bata pa ako mayroong pangalan ng isang Hollywood actor ang naging napaka-pamilyar sa akin. Bakit pamilyar? Dahil sa aking tatay, paborito niya ito. Wala akong alam sa mga pelikula niya noon, pero sa aking paglaki ay nakamulatan ko ang mga klasikong pelikula niya at yung mga nagawa pa niya habang ako ay lumalaki. Isang kataga ang naaalala ko sa kanya… “Go ahead, make my day!” Mga salitang nagbigay ng tatak sa kanyang karakter bilang si Dirty Harry.
Si Dirty Harry ay isa lamang karakter na ginampanan ni Clint Eastwood. Nais kong hiramin sa pagkakataong ito ang mga makapangyarihang kataga na nagpatanyag sa kanya. Maririing salita na may matingkad na emosyon, na maaaring makapagbago ng sitwasyon ng isang tao sa natatanging pagkakataon.
Marami pang mga kataga ang naimbento na marahil tumatak din sa atin. Mga kataga na pinag-usapan at humubog ng ating pananaw, at naka-apekto pa nga ng di sinasadya sa ating kaugalian at pamumuhay. May mga pangalan na naimbento at naging bansag sa mga natatanging tao... at sila’y nagmarka sa lipunan… ika nga eh sumikat sa dalawang anyo ng kasikatan - “Famous” at “Notorious”. Bakit ba natin pinag-aaksayahan ng panahon na pag-usapan ang tungkol sa mga salita at pangalan?.. Sapagkat ito ay mahalaga… Marahil maraming magtataas ng kilay dito pero ito ang paniniwala ko at ito ay totoo. Ang mga pangalan, bansag at katagang ikinakabit sa tao, lugar at araw ay may malaking epekto sa pananaw at asal ng tao.
Mahalaga ang pangalan, may malaking bahagi itong ginagampanan sa buhay natin. Ito ang nagbibigay sa iyo ng natatanging pagkakakilanlan o identity. Kung susuyurin natin ang ilang talata sa Biblia, mapapansin nating ang pangalan ay binibigyan ng isang malaking atensiyon at pagpapahalaga. Ang pangalan ang nagsisilbing salamin ng pagkatao at pagtatakda sa layunin ng buhay niya. Hindi ko sinasabing pag pangit ang pangalan mo ay pangit na rin ang kinabukasan mo. Nasa tao pa rin ang pagpapasya kung gusto niyang maging maayos ang buhay niya o hindi.
Napakagandang alalahanin ang pamamaraan ng Dios kung paano Niya pinasimulang likhain ang daigdig. Sinasambit at tinatawag niya ang mga pangalan ng lahat ng lilikhain Niya sa araw na iyon. Kaya gayon din ang tagubilin na ibinigay Niya kay Adan. Ipinaubaya Niya dito ang kapangyarihang pangalanan ang lahat ng mga hayop at mga ibon. Sa maraming okasyon at pangyayari sa Biblia, laging nagiging malaking bahagi ang pagbibigay pangalan sa lugar at taong sangkot. Ilan lang sa mga halimbawa sina Abraham, Jacob, Samuel, Pedro, at siyempre pa si Satanas na dati’y “Morning Star” o Lucifer na ang ibig sabihin ay light bearer... May mga pangyayari at lugar din na napasangkot sa pagbibigay ng pangalan at marami nito sa Biblia, lalo na sa Lumang Tipan.
Si Adan ay binigyang-kapangyarihang (authority) pangalanan ang mga may buhay na nilalang ng Dios. Kung ano ang ipinangalan niya dito: yun ang naging tawag sa nilalang na iyon. Ano ba ang kaugnayan nito sa atin? That there is such thing as the power of the spoken word! (Santiago 3:10) Kung ito ang itinala sa Kasulatan, pinagtitibay nito na ang lahat ng sinasabi natin ay hindi lamang mga ordinaryong balangkas ng mga salita na maaaring i-decipher sa pamamagitan ng mga titik sa alpabeto. Ito’y may kapangyarihang maki-sangkot sa mga spiritual affairs ng buhay ng isang tao at maging ng lugar o araw. Hinuhubog nito ang ating pag-iisip, ugali at paniniwala.
Si Abraham na dating Abram ay nanalig sa pangako ng Dios na magiging ama siya ng maraming bansa. Na magkaka-anak pa siya sa kabila ng kanyang katandaan. Lalong tumitibay ang kanyang pananalig sa tuwing tatawagin siya sa pangalang ibinigay sa kanya ng Dios mismo -- Abraham, na ang ibig sabihin ay ama ng maraming bansa. Gayon din ang kaso ng iba pa na na tumupad sa tawag ng Dios. Si Jacob na mandaraya ay naging Israel - isang prinsipe; Simon na naging Pedro - ang bato, at marami pang iba.
Hindi ko iminumungkahi na magpalit ka ng pangalan. Sa ating kasalukuyang panahon, ito ay isang prosesong legal na napakahirap gawin - bukod pa sa ito’y lubhang napakamahal. Sa katotohanan kasi, tayo ay may bago nang pangalan at kabilang na sa maharlikang angkan. Iyan ay kung tinanggap mo na si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Tayo’y mga anak na ng Dios (Juan 1:12). Kaya lang, ang mga katotohanang sinasabi ng Biblia patungkol sa atin ay hindi nagiging ganap o nararanasan. Dahil sa negatibong pananaw at hindi magagandang confessions. Marami sa atin ang nag-uumpisa at nagtatapos ang araw sa hindi maganda. Kasalanan ba ng Dios ito? Hindi! Ina-anticipate natin unknowingly ang pangit na araw natin sapagkat ang confession mo paggising… “Ang sama ng gising ko, ang pangit naman ng araw na ito!” Sa totoo lang, sa simula pa lang ng araw mo ay ibinukas mo na ang pinto ng buhay mo at inimbitahang pumasok ang lahat ng espiritung hindi kaaya-aya upang makasalo mo sa maghapong hapis. The utterance of our mouth seals our day. (Filipos 4:8)
Sabi sa kanta… “This is the day that the Lord has made, I will rejoice and be glad in it”. Ang ikagaganda ng bawat araw natin ay hindi nakasalalay sa mga mangyayari sa araw na yun kundi sa pananaw at ekspektasyon na mayroon sa puso mo. Ikaw lang ang puwedeng sumira sa araw mo. Remember… you have the authority to declare and decree kung ano ang nais mong maganap sa araw mo.
Si Adan, sumunod sa Dios… pinangalanan niya ang lahat ng mga hayop, ibon at halaman, at yun ang naging tawag sa kanila. Wala na tayong hayop na pangangalanan pa subalit meron tayong 365 na araw sa buhay natin, na kung hindi mapapangalanan ng tama ay siyang maaaring sumira sa mood natin or worse, can cause us depression and weakens our walk with God.
Sabi ni Dirty Harry, “go ahead, make my day”. Ang suggestion ko, huwag n’yo siyang gayahin. Don’t let anybody make your day… Let God!.. Use your spiritual authority… ipinagkatiwala na sa iyo ng Dios yan. Gawin mong pagpapala ang bawat araw mo sa taong 2008. Puwede mong i-declare in the spirit… ang araw na ito ay araw ng tagumpay and maybe the next day is a day of breakthroughs, and so on, and so forth… And you know what? God will honor it according to your faith. Nakatutuwang isipin na maraming bagay ang maaaring gawin ng Dios sa araw-araw ng buhay natin sa taong ito. And He has given you the liberty and authority for it. Ito ang tinatawag kong spiritual creativity.
So you want to see your 365 days overflow with blessings? Ang hamon ko ay… Go ahead… name your day!