Ang Hapag ni Tatay - Disyembre 2007
“WALANG SILID PARA SA HARI”

“... at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y isang lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan."
Lucas 2:7

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging mahiligin sa mga kasiyahan, handaan at iba’t ibang pagdiriwang. Marami tayong okasyong inaalala at pinaghahandaan, subalit wala na sigurong mas lalaki pa sa ating ipinagdiriwang kapag sumasapit ang buwan ng Disyembre. Siyempre pa, alam na alam lahat ng mga Pilipino ‘yan. Mula bata hanggang matanda, mapa-babae o lalaki man (hindi ko na sasabihin pa ang ibang kasarian na pawang bunga lamang ng panlilinlang ng kalaban). Oo, ang Pasko na laging ipinagdiriwang ng lahat ng nilalang.

Marami ang excited kapag nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan, sa iba’t ibang kadahilanan. Ang iba’y nag-aabang ng matatanggap na regalo (na siyang motibo ng karamihan), ang iba nama’y upang makapagpahinga o makapag-lamierda. Kasi nga walang pasok sa eskuwela at trabaho. Ang iba’y nagpaplano ng umaatikabong kainan sa mga tahanang kanilang pupuntahan. Samantalang ang iba naman ay “Family Reunion” ang gimik. At mayroon ding nagsasabi ng pagdiriwang ng tunay na diwa ng kapaskuhan.

Nais ko lang magbigay ng isang katanungan. “Ano ang Pasko?” Marami ang magsasabing ito’y panahon ng pagmamahalan at pagpapatawaran, pagbibigayan at pagkakaunawaan. Maaaring may magsabi ng panahon ng kapayapaan at pagkakaisa ng bawat tao (bagama’t hindi ng bawat Pilipino sa Gobyerno). At mayroon ding magsasabi ng isang mataginting na sagot na tulad nito – “Ito ang araw ng kapanganakan ni Jesus na Panginoon at Hari”.

Iyon ang pinakatumpak na kasagutan! Subalit umaangkop nga ba ang mga katagang iyan sa una Niyang pagdatal sa sanlibutan? Hindi... at isa pang matunog na hindi! Sapagkat sa Kanyang pagsilang ay walang marangyang pagdiriwang, walang ingay ng kagalakan sa paligid at walang masaganang handaan ang naganap. Wala ring matiyagang naghintay sa kalaliman ng gabi para sa Kanyang pagsilang. Di tulad sa paghihintay natin sa masaganang Noche Buena pagtuntong ng alas-dose ng hating-gabi. Sapagkat ang karamihan ay abala sa kani-kanyang kapakanan. May sarili silang pananaw sa pagdating ng Haring Mananakop. Di sila nagsisikap na saliksikin at alamin ang mga natala patungkol sa Kanyang pagdating.

Sa ganito nilang katayuan, dumating ang Hari. Nang gabing iyon, sa isang bayang abala, wala man lang naghinala, di nila alam na Siya’y dumating na pala. Hindi sila handa, sapagkat naghahanda sila para sa iba. Hindi nila alam ang nangyayari sa paligid, sapagkat wala silang pakialam kung hindi rin lang sila ang makikinabang. Ni walang nag-alok ng disenteng matutuluyan para sa Kanya. Nagtiyaga na lamang Siya sa abang sabsaban kung saan kasama ang mga hayop na para bang may pang-unawa sa Kanyang katayuan at buong giliw Siyang ipinisan at magdamag na binantayan.

Kung alam lang nila ang katotohanan nang gabing iyon, baka nag-unahan pa sila sa pagpapatuloy sa isisilang na sanggol. Ngunit di naman nabigla ang Dios sa pangyayaring ito. Hinayaan din Niyang magkaganito ang mga senaryo, upang maipabatid sa tao ang kadalisayan ng Kanyang plano. Ang maipadama ang wagas Niyang pag-ibig, at ang planong hanguin tayo mula sa lusak ng kasalanan. Bukod dito, nakapagtakda rin Siya ng isang halimbawang dapat nating tularan – ang kababaan ng kalooban at pagiging simple sa kabila ng Kanyang mataas na katayuan.

Sa kasalukuyan nating panahon, lagi nating inaalala at pinaghahandaan ang pagdiriwang ng Pasko. Subalit naa-“appreciate” ba nating talaga ang araw na ito? Nabulay-bulay mo na ba ang tunay na kahalagahan nito sa buhay mo?

Ang totoong kahalagahan at kapakinabangan ng pagdiriwang ng Pasko ay ang pagkakaroon natin ng personal na kaugnayan sa Haring isinilang. Kung hindi ito totoo sa iyo, maaaring di mo pa naranasan kung ano ang totoong diwa ng ipinagdiriwang mo.

Sa panahon ng kapaskuhan, magbubukas ka ng mga regalong matatanggap. Nais kong ipaalala sa iyo na may mas malaking regalo kang dapat tanggapin. Ito’y galing sa Dios, ang Hari ng mga hari. Kailangan mo lang buksan ang pinto ng iyong puso at maglaan ng silid para sa Kanya. Huwag na sana nating ulitin pa ang pagkakamali ng mga taong di nagpatuloy sa Haring isinilang noong unang Pasko.

Dalangin kong sa taong ito’y maranasan mo ang totoong Maligayang Pasko!
Bringing Hope and  Healing to a Lost and Dying World...