HAPAG - Isang napakahalagang kasangkapan sa loob ng tahanan. Dito inihahain ang pagkain at nagtitipon-tipon ang lahat ng miyembro ng pamilya upang pagsaluhan ang biyayang kakanin; habang nagkakaroon ng impormal subalit makabuluhang pag-uusap ang buong mag-anak. Ito ang nagbubukas sa pinto ng talakayan, kung saan ang tatay, ang “haligi ng tahanan”, ang iginagalang at nagsisilbing tagapamagitan ng sambahayan, ang namumuno sa talakayan. Sa hapag pinagkakasunduan ang mga mabibigat na pasya at piping saksi sa mga sagradong impormasyong pinag-usapan sa loob ng tahanan...
Mga samu’t-saring komentaryo, kuntil-butil na payo sa liwanag ng Kasulatan at Espiritu Santo.
Ni : Pastor Rasty C. Montorio
SUNOG!
“Noon di’y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Pagkakita sa nangyari, nagpatirapa ang buong bayan at sumigaw: ‘Si Yahweh ang Dios! Si Yahweh lamang ang Dios!’”
1 Hari 18:38-39
Katatapos pa lamang ng aming DVBS (Daily Vacation Bible School), at siyempre pa ang lahat ay abala sa pagsasaayos at paggawa ng mga report sa naganap na gawain. Ako man ay nakatuon ang pansin sa mga follow-up na gagawin ng mga manggagawa ng Children’s Ministry. Nasa gayong katayuan ako sa opisina ng simbahan nang may isang manggagawa ng simbahan ang tumawag ng aking pansin at paanas na sinabing may nagaganap na sunog di kalayuan sa simbahan. Ang tanging nasabi ko sa sarili ay… eto na naman. Hindi naman ako nag-panic gayunpaman agad ko pa ring sinabihan ang mga kabataan naming nasa cell group ng araw na iyon na pumunta sa lugar na iyon at tulungang maghakot ng gamit ang mga miyembro naming malapit sa lugar na pinangyayarihan ng sunog. Hindi gaanong maganda ang senaryo sa mga sandaling iyon sapagkat alam kong may trauma na ang mga tao roon sa sunog. Sa pagdaan ng panahon na naroon ako upang magministeryo ay marami-rami na ring beses na nagkasunog sa lugar na iyon.
Habang nakikita naming tinutupok ng apoy ang mga kabahayan ay tuloy naman ang panalangin ko at ng ibang mga kasama sa church na sana’y mapatay agad ito, habang ang ibang kabataan naming mga kalalakihan ay tuloy sa paghahakot. Maraming mga tao ang nagkakagulo, humihingi ng tulong at manaka-nakang maririnig ang iba na tumatawag sa Dios dahil sa takot. Sa ganitong sitwasyon, napa-isip akong bigla sa laking perwisyong naidudulot ng apoy. Masyado itong makapangyarihan na kayang tupukin ang lahat ng madaanan nito. Hindi perwisyo ang apoy, nagiging mapanganib lamang ito kung mali ang pagkagamit. Sa kaunting pagkakamali, sunog ang taglay nito.
Apoy… sunog… may malaking papel na ginampanan yan sa isang eksena sa Lumang Tipan. Ang pagtutunggali ng mga propeta ni Baal laban kay Elias. Isang pagtutunggali kung kaninong Dios ang totoo at makapangyarihan. Alam na natin ang naganap. Sa banding huli ay napatunayan ni Elias na ang Dios na kanyang pinaglilingkuran ay ang Siyang totoo at makapangyarihang Dios. Nagapi ang mga propeta ni Baal na siya namang ikinapahamak ng kanilang mga buhay dahil pinatay sila ng bayang Israel. Sa pangyayaring ito ay napatunayang totoong gumagawa ang Dios sa kanyang mga lingkod. Hindi Niya ipinahiya si Elias, bagkus ay tinugon Niya ang panalangin nito ng tupukin ang kanyang haing handog. Ang kapangyarihan ng Dios sa anyo ng apoy ang siyang sumunog at tumupok sa kanyang handog na noo’y halos naglalawa sa tubig. Naging daan din ang pangyayaring ito upang matauhan ang bayang Israel kung sino ang tunay na Dios. Na si Yahweh lamang ang Dios!
Siguro isa ka rin sa mga Kristiyanong nag-iisip na sana ganyan din ang gawin ng Dios sa mga taong kumukutya sa pananalig mo ngayon. Kung gayon lang sana ang mangyari, eh, di sana marami na ang tumanggap sa Dios ngayon. Oo nga naman, bakit nga ba hindi? Maaari mo ring itanong, “Kaya bang gawin yan ngayon ng Dios?” Of course yes, walang bagay na hindi kayang gawin ng Dios. Subalit hindi gumagawa ang Dios ng isang bagay for the sake of performance lamang. Alalahanin nating hindi pare-pareho ang pamamaraan ng Dios.
Sa ngayon ay may kakaibang bagay na ginagawa ang Dios. He is still performing miracles and doing the supernatural things not by Himself alone but through His servants. The Lord wants to work in us and through us. Ang sabi Niya sa Juan 14:12, “Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito…” If that is the case we can be a vessel of His power. Ang patotoo natin ay isang kapangyarihan na maaaring tumupok sa mga mapaghinala at mapag-alinlangang puso at isip ng tao. Totoong ang mga tao ay maniniwala lamang sa Dios na pinananaligan natin kung may pruweba tayong maipapakita sa kanila. Higit sa mga kakaibang mga bagay ang isang kamangha-manghang pangyayari na magiging daan upang sila ay sumamba sa tunay na Dios ay ang mahimalang pagbabago ng ating buhay. Isa itong malaking patotoo sa harap ng mga mapanuring mata ng mga taong naghahanap sa tunay na Dios.
Mamuhay tayo ng may init sa presensiya ng Dios. Sa pamamagitan nito makikita kung paanong gumawa ang Dios sa buhay natin at magsilbing apoy na tutupok sa matitigas na puso ng tao, kapangyarihan na para bang sunog!
