HAPAG - Isang napakahalagang kasangkapan sa loob ng tahanan. Dito inihahain ang pagkain at nagtitipon-tipon ang lahat ng miyembro ng pamilya upang pagsaluhan ang biyayang kakanin; habang nagkakaroon ng impormal subalit makabuluhang pag-uusap ang buong mag-anak. Ito ang nagbubukas sa pinto ng talakayan, kung saan ang tatay, ang “haligi ng tahanan”, ang iginagalang at nagsisilbing tagapamagitan ng sambahayan, ang namumuno sa talakayan. Sa hapag pinagkakasunduan ang mga mabibigat na pasya at piping saksi sa mga sagradong impormasyong pinag-usapan sa loob ng tahanan.
Mga samu’t-saring komentaryo, kuntil-butil na payo sa liwanag ng Kasulatan at Espiritu Santo.

Ni : Pastor Rasty C. Montorio
Basahin ang mga nauna pang artikulo sa Hapag ni Tatay.

Ang Hapag ni Tatay
Bringing Hope and  Healing to a Lost and Dying World...
BUNGANG-ISIP!

“Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Dios na nagbibigay ng kapayapaan.”
 
Filipos 4:8-9
Katatapos lang ng Semana Santa at siyempre pa, naka-buwelo na rin tayo sa ating summer. Panahon na sadyang napaka-init ng klima. In fact ayon sa mga weather authorities natin, itong summer na ito ang nagtala ng isa sa pinaka-mainit na temperatura ng panahon at ito raw ay iinit pa. Kaya nga halos lahat ng tao ay nagbababad sa mga resorts, beaches, pools, at yung mga walang pera ay sa mga malls na lang tumatambay, para maibsan man lang kahit kaunti ang init na nadarama. Sa panahong ito madalas na ring lumilitaw ang mga sakit na karaniwang kaakibat ng mainit na panahon. Isa na rito ang bungang-araw, na sobrang nakaka-irita dahil sa kating dulot nito sa katawan. Katulad ng kanyang pangalan ito ay bunga ng sobrang init ng panahon.

Hindi natin gusto ang magkaroon ng bungang-araw dahil hindi ito maganda sa pakiramdam. Subalit may isang bunga na mas mahalagang pag-usapan natin sa pagkakataong ito. Mahalaga dahil kung hindi natin sasadyaing pag-ukulan ng pansin ay maaaring magdulot ng matinding impeksiyon hindi lang sa buhay natin, kundi sa iba rin. Lalong-lalo na sa mga taong malalapit sa atin tulad ng iyong pamilya, mga kaibigan, kaklase o katrabaho kaya. Ano ito? Ito ang tinatawag na bungang-isip. Mga bagay na nagmumula o produkto ng ating malikot at mayamang kaisipan.

Sa ating talata ay malinaw na binigyang-diin ni Pablo ang kahalagahan ng pagdidisiplina sa ating mga kaisipan. Bakit? Sapagkat lahat ng ginagawa natin ay nagmumula sa pag-iisip. Ano man ang nabubuo sa ating kaisipan ang siyang humuhubog sa ating pagkatao at uri ng pamumuhay. Kung ang laging laman ng ating mga isip ay pawang negatibo -- negatibo rin ang maaassahan mong resulta nito sa buhay natin. Kaya nga malimit hindi natin ma-enjoy ang mga pangyayari sa buhay natin gaano man kaganda ang sitwasyon dahil naka-tuon na sa mga bagay na pangit ang ating mga kaisipan.  Kung ano ang laman ng ating kaisipan, yun din ang magiging resulta ng asal natin.  Kaya nga dapat nating tiyaking maayos ang ating mga attitude sa bawat araw. Magagawa lamang natin ito kung sasadyain nating ikintal sa isip natin ang lahat ng bagay na positibo at naaayon sa sinasabi ng Salita ng Dios.

Hindi natin pwedeng hayaan na ang araw na darating ang siyang magpatakbo at humubog sa ating mga moods. Tayo ang dapat na nagdidikta kung ano ang magiging bunga ng araw natin, at hindi ito imposible. Pwede tayong maging masaya kahit hindi gaanong maganda ang nangyari sa araw na iyon. Hindi ang pangyayari ang magdidikta ng maaari mong maramdaman, kundi ang iyong positibong pananaw. Ang pananaw na naimpluwensiyahan at napuspos ng Espiritu ng Dios.

Isa lang ang nais kong ipahatid sa inyo. Napaka-igsi ng buhay natin para gugulin lang sa pag-iisip ng mga bagay na nakapagbibigay ng discouragement sa atin. Eh, pwede namang maging pagpapala ang mga ito. Huwag mong bulabugin ang buhay mo. Mamuhay ka ng mapayapa. Nasa attitude lang ‘yan. Tamang pag-iisip, tamang pananaw at pananalig sa Dios ang kailangan. Umpisahan nating disiplinahin ang mga sarili at gawing pagpapala ang ating bungang -isip!
Ang Hapag ni Tatay - Abril 2008